Babae sa China, sinalang sa microwave ang pera bilang pag-iingat sa coronavirus

Nasunog ng isang babae sa China ang 3,125 yuan (halos P22,000) matapos niya itong i-microwave bilang pag-iingat sa COVID-19.

Ininit ng hindi pinangalanang babae mula Jiangsu ang pera sa tangkang i-disinfect at siguraduhing ligtas sa pinangangambahang virus, ayon sa ulat ng AsiaOne, nakaraang Miyerkules.

Ilang saglit lang daw mula nang isalang ang pera, agad ding pinatay ang microwave dahil sa nasusunog na amoy.


Dinala ng babae ang nangingitim na pera sa lokal na banko para humingi ng tulong, ngunit sa tindi ng pinsala ay hindi na ito mabasa ng machine counter.

from Weibo

Manu-manong binilang at inusisa ng tauhan sa banko ang pera na kailangang dahan-dahanin dahil madali nang mapunit.

Sa kabila ng nangyari, binigyan ng banko ang babae ng full refund.

Simula nakaraang buwan, dini-disinfect na ng mga banko sa China ang mga pera gamit ang ultraviolet light o sa mataas na temperatura.

Itinatabi rin umano muna ang pera sa loob ng 14 araw bago ipamahagi sa publiko.

Sa ngayon, higit 90,000 na ang tinamaan, habang 3,100 naman ang namatay sa COVID-19, ayon sa World Health Organization.

Facebook Comments