Laman ng balita sa Indonesia ang isang ginang na nagsilang daw ng sanggol makaraan ang isang oras lang na pagbubuntis.
Sa mga ulat, sinabi ng 30-anyos na si Heni Nuraeni mula Tasikmalaya, na noong Hulyo 18 nang magsilang siya ng hindi inaasahang sanggol na lalaki.
Sa loob ng isang oras ay humilab daw ang kanyang tiyan at nakaramdam ng pamumulikat na tulad ng naranasan sa panganganak sa dalawang nauna niyang supling.
“I was at home, and nothing was out of the ordinary. Suddenly, I felt something moving on the right side of my abdomen and the cramps started,” salaysay ng ginang sa Okezone News.
“I asked a neighbor to take me to my father’s house and about an hour later we called a midwife and I gave birth,” pagpapatuloy niya.
Iginiit ni Nuraeni na liban sa pagdagdag ng timbang ay wala siyang nakitang sintomas ng pagbubuntis gaya ng pag-usli ng tiyan, morning sickness, at maging ang kanyang regla ay hindi naman daw tumigil.
Unang sinabi ng mga doktor na maaaring kaso ito ng cryptic pregnancy, kung saan hindi alam ng nanay na nagdadalang-tao siya.
Maaari rin umanong magkaroon ng hormonal imbalance sa nasabing kaso, dahilan para magpatuloy ang regla ng babae.
Ngunit ang pinakamahirap paniwalaan sa storya ni Nuraeni ay 19 buwan na raw mula nang huli silang magtabi ng kanyang mister.
Kinailangan umano nilang tumigil sa pagtatalik mula nang ipanganak ang pangalawa nilang anak sa ilang rasong pangkalusugan, na kinumpirma naman ng namumuno sa kanilang lugar.
Ito ang dahilan ng pag-aalangan ng mga doktor na iugnay pa ito sa kaso ng cryptic pregnancy.
Matapos pumutok ang kuwento at mapukaw ang atensyon ng maraming reporter, medical expert at iba pa, nakiusap ang pamilya ni Nuraeni na bigyan sila ng privacy dahil nagdudulot na umano ito ng stress sa ginang.