Idinetina ng customs authorities sa Russia ang isang babae sa Chinese border matapos mahulihan ng halos 2 kilo ng ginto sa kanyang mga sapatos.
Napansin ng mga opisyal ang kabado at kahina-hinala umanong kilos ng Russian national, ayon kay Marina Boyko, tagapagsalita ng customs sa eastern Siberia.
“The young woman unnaturally placed one foot in front of the other,” saad ng opisyal ntong Martes.
Gamit ang metal detector, nadiskubre ang walong piraso ng ginto na naka-tape sa suwelas ng sapatos ng babae.
Tinatayang higit 5 milyong rubles o $79,000 (halos 4 milyong piso) ang halaga ng mga ito na may kabuuang timbang na 1.9 kilo.
Iligal na ginawa at walang kinakailangang dokumento ang mga nasabat na ginto.
Naglunsad na ng imbestigasyon ang awtoridad at sinabing para sa isang Chinese citizen ang tinangkang ipuslit ng babae.
Ilang beses na ring nakahuli ang mga awtoridad sa Zabaykalsky-Krai ng mga Russian na sumusubok magpuslit ng ginto sa China.
Noong Agosto, isang babae ang nakumpiskahan din ng 10 gold ingot sa sapatos.
Talamak ang pagmimina ng ginto sa Siberia.
Nito lamang Oktubre, nasa 17 katao ang nasawi sa pagguho ng isang dam sa minahan sa Krasnoyarsk.