Babae, sugatan matapos mabagsakan ng sofa mula sa bubong

ABERDEEN, Scotland – Nagtamo ng bali sa ilang bahagi ng katawan ang isang 30-anyos na babae matapos mabagsakan ng three-seater sofa mula sa bubong habang nagtatapon ng basura noong Disyembre 7.

Ayon sa biktimang si Edita Butkeviciut, kausap niya noon ang nobyong si Daniel Ferreira habang inilalabas ang basura sa Nailco nail bar kung saan siya nagtatrabaho bago kumain ng tanghalian.

Sa salaysay ni Daniel, nagpasya siyang tawagan ang bar nang biglang maputol ang linya habang kausap ang nobya.


Isang lalaki raw ang nakarinig ng sigaw ng biktima at dito natagpuan ang isang sofa ang nasa ibabaw nito.

Sa tulong ng mga trabahador ng bar at ng ilang staff mula sa isang kalapit na shop, agad na naidala sa ospital si Edita.

Hindi raw makapaniwala ang mga doktor na nakaligtas si Edita mula sa insidente.

“They said Edita is lucky to be alive. I am so grateful for the support everyone has given us in the last few days,” ani Daniel.

Malaki rin daw ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanyang nobya lalo pa’t ulila na ito sa ina habang nasa malayo naman ang kanyang ama.

Sasailalim sa operasyon ang biktima at aabot ng ilang Linggong pahinga bago siya tuluyang makarekober.

Samantala, haharap naman sa korte ang dalawang lalaking sangkot umano sa naturang insidente.

Facebook Comments