Huli ang isang babae sa Bocaue, Bulacan matapos lumabag sa itinakdang curfew. Ang dahilan, ginabi raw ito ng uwi dahil nagpa-rebond siya ng buhok.
Sa Facebook post ni Councilor Rico Navarro, sinabing naglalakad sa crossing ang indibdwal pasado alas-9:30 ng gabi nang masakote ng mga pulis.
Inamin din ng babae na ang perang ibinayad niya sa pagpapa-rebond ay mula sa social amelioration program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinauwi naman agad ang residente matapos pagsabihan na dapat gamitin ang ayuda pambili ng mga pangunahing pangangailangan.
Matatandaang naglaan ng halos P200 bilyon ang nasyonal na pamahalaan bilang tulong sa mga mahihirap na apektado ng krisis bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Bawat pamilyang masasama sa SAP ay tatanggap ng cash aid na aabot sa P5,000 hanggang P8,000.
Kaya naman paalala ng opisyal sa mga benepisyaryo, maging responsable sa paggamit ng nasabing financial assistance.