Babae, tinanggalan ng gall bladder at ilang parte ng tyan matapos makainom sa basong may liquid nitrogen

Tinanggal ng doktor ang gall bladder at ilang parte ng tyan ng isang babae mula Florida matapos itong makainom ng isang basong naglalaman ng liquid nitrogen.

Batay sa ulat, dumalo ang biktima sa isang birthday dinner sa Maritina Grille sa Don CeSar Hotel kung saan nilagyan ng waiter ng liquid nitrogen ang baso ni Stacey Wagers para makagawa umano ng smoke effect sa inumin nito.

Ngunit makalipas lang daw ang ilang segundo, namilipit na sa sakit ang babae.


Agad na naisugod sa pinakamalapit na ospital si Wagers at dito ay kinakailangan umanong tanggalin ng doktor ang ilang nasirang bahagi ng kanyang tyan.

Nang makapanayam ang abogado ni Wagers na si Adam Brum, tinanggal ang 25 pounds na digestion tissues nito dahil sa nangyari.

Ayon pa sa ulat, wala umanong ideya ang biktima sa kung ano ang inilagay sa kanyang inumin ng naturang waiter.

Magbabayad naman ng 15,000 dolyar ang hotel para sa medical expenses ni Wagers.

Noon lamang nakaraang taon, nagbabala na ang US Food and Drug Administration sa epekto nang pagkain o pag-inom ng mga mayroong halong liquid nitrogen dahil maaari raw itong makasira at makapinsala sa parte ng katawan  partikular na ang  internal organs at balat ng tao.

Facebook Comments