Babaeng 4 na taong nawawala, nakitang patay sa poso negro; anak niya at BF suspek sa krimen

(Paalala: May ilang sensitibong bagay ang naisulat sa artikulong ito. Importante ang patnubay sa mga menor de edad o wala pa sa tamang disposisyon na maaring makabasa ng ganitong istorya.)

DASMARIÑAS, CAVITE – Pinukpok ng martilyo at pinagsasaksak hanggang sa malagutan ng hininga. Ito ang kalunos-lunos na sinapit ng isang nanay na ilang taon nang nawawala sa kamay mismo ng sariling niyang anak at nobyo nito. Ang bangkay ng kaawa-awang ginang, isinilid ng mga suspek sa poso negro.

Kinilala ang biktima na si Maria Evelyn Sayos, 54 taong gulang, residente ng Villa Luisa Homes, Barangay San Agustin 3, na hinahanap ng mga kaanak niya simula pa noong 2016.


Umamin ang mga salaring sina Joanna Marie Sayos at Ronald James Rubi na sila ang nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Natagpuan ng pulisya ang naagnas na katawan ng biktima sa isang sementadong poso negro na nasa loob mismo ng bakuran ng dalawang akusado.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Richard Ang, hepe ng Dasmariñas Police, matagal na raw pinagplanuhan ng magkasintahan ang pagpaslang kay Evelyn. May kinikikim umano na matinding galit si Rubi sa ginang.

Lumabas din sa pagsisiyasat na minartilyo ni Rubi ang biktima at nang mapansing gumagalaw pa ay inutusan niya si Joanna Marie na kumuha ng panaksak upang tuluyang mamatay.

Tuwing nangangamoy ang katawan sa septic tank ay tinatabunan lamang nila ito ng semento.

Pinalabas ng babaeng suspek sa mga kapatid niya na nagtampo ang kanilang ina at nagtungo muna ng Singapore.

Taong 2018 nang ireport sa awtoridad ng magkakaanak na nawawala umano si Evelyn.

Kasalukuyang nakakulong ang magkarelasyon na sinampahan ng kasong murder.

Facebook Comments