Manila, Philippines – Nakalabas na ng Madaluyong City police ang Chinese student na ng saboy ng dala nitong taho sa isang pulis na sumita sa kaniya sa MRT-3 Boni station.
Ito ay matapos magpiyansa ng P12,000 ang 23-anyos na si Jianle Zhang para sa kasong direct assault, disobedience to an agent of a person in authority and unjust vexation.
Pero ayon kay Mandaluyong Police Chief Senior Superintendent Moises Villaceran, hindi pa ganap na malaya si Zhang matapos siyang sunduin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) at dalhin sa kanilang tanggapan.
Sabi ni Villaceran, posibleng ang imbitasyon ng immigration kay Zhang ay may kaugnayan sa pagdedeklara sa kaniya bilang undesirable alien.
Una nang inihayag ng BI na nakitaan nila ng sapat na batayan para sampahan ng deportation case si Zhang dahil sa paglabag sa immigration laws.
Nabatid na dumating sa bansa si Zhang noong October 2018 gamit ang special resident retiree´s visa.
Kapag naaprubahan ng BI ang deportation case laban kay Zhang, agad itong ilalagay sa watchlist ng immigration bureau.