Babaeng gumagamit ng credit card ni Angelica Panganiban, arestado

Image from IG/@iamangelicap

Nadakip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang babaeng hindi awtorisadong gumagamit ng credit card ng aktres na si Angelica Panganiban.

Batay sa imbestigasyon ng NBI, pumalo sa P5,000 ang na-charge sa credit card ng Kapamilya celebrity at sinubukan umanong gamitin ulit sa isang casino na aabot sa P500,000.

Sa bisa ng warrant of arrest, nahuli ng kinauukulan si Agatha Reyes sa kaniyang bahay sa Pampanga.


Ayon pa sa awtoridad, inamin ni Reyes na ginagamit niya ang card ni Panganiban.

Lumabas din sa pagsisiyasat na ginamit ng salarin ang bagong card ng aktres, na ipa-renew noon sa isang bangko.

Teorya ng NBI, may sabwatang naganap sa pagitan ng courier ng credit card at kawatang natimbog.

“‘Yung card nakukuka sa couriers, heto ‘yung mga renewal ng cards tapos nagagawan nila ng paraan para ma-activate ito. It appears na magkakasabwat but it’s hard to say, kung ano ang relationship ng courier sa bangko,” pahayag ni Ronald Aguto, hepe ng NBI Cybercrime Division.

Kasalukuyang nakapiit si Reyes at nahaharap sa kasong credit card fraud.

(BASAHIN: Angelica Panganiban, nabiktima ng credit card fraud)

Matatandaang ibinunyag ni Panganiban noong Agosto sa social media na natangayan siya ng halos P500,000 nang hindi niya namamalayan.

Kaya paalala ng mga eksperto, kaagad ipagbigay-alam sa kinauukulan kapag may kahina-hinalang transaksyon na lumabas sa ginagamit na debit o credit card.

Facebook Comments