Babaeng nag-viral sa pananakit ng isang traffic enforcer at tatlo pang mga kasamahan nito, nagpositibo sa droga

Kinumpirma ng Manila Police District Special Mayor’s Reaction Team (MPD-SMaRT) na positibo sa iligal na droga ang babaeng motorista na nanakit ng isang traffic enforcer sa Lungsod ng Maynila.

Sa isang panayam, sinabi ni MPD-SMaRT Chief Police Colonel Rosalino Ibay na ang suspected drug courier na si Pauline Altamirano at ang tatlong kasamahan nito na sina Rendor Sanchez, Jason Dela Cruz, at Marlon de Guzman ay nagpositibo sa iligal na droga.

Ayon sa isa sa mga suspek, inamin niya na gumagamit sila ng iligal na droga bago pa man sila mahuli.


Pero ayon naman kay Altamirano, hindi totoo na inilalako niya ang droga na nakita sa kanyang bag.

Aniya, nakuha lamang niya ito sa isa sa kanyang manliligaw na Chinese national at ipapalit daw niya ang nasabing bawal na gamot sa “kush”.

Ayon pa rin kay Ibay, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at tinitingnan na rin nila ang anggulo sa paggamit ng mga nirerentahang sasakyan para sa mga drug transactions.

Una nang nag-viral ang video ni Altamirano kung saan nag wala ito at sinaktan pa ang traffic enforcer na si Marcus Anzures na sumita sa kaniya matapos dedmahin ang red light.

Dahil dito, kinasuhan na si Altamirano ng direct assault, disobedience to persons in authority, at driving without license.

Facebook Comments