Nauwi sa pagkakaputol ng mga braso at binti ng isang babae sa Ohio ang mga halik ng kanyang alagang aso.
Kababalik lang ni Marie Trainer at ng kanyang asawa mula sa bakasyon sa Caribbean noong Mayo 10 at gaya ng nakasanayan, sinalubong sila ng halik ng kanilang dalawang alagang aso.
Ngunit kinabukasan, nakaramdam ng pagkahilo, sakit ng katawan, hanggang umakyat sa 93 degrees ang temperatura niya — dahilan para isugod siya ng asawa sa emergency room.
Agad natukoy ng mga doktor sa Aultman Hospital na nagkaroon ng sepsis si Marie o ang sobrang paglalabas ng kemikal ng katawan para labanan ang impeksyon.
Dahil sa mabilis na paglala at namuong mga dugo na nagdudulot ng necrosis at gangrene, napilitan ang mga doktor na putulin ang kanyang mga braso at binti.
Isinailalim sa medically induced coma si Marie na sumailalim sa walong operasyon sa loob ng 10 araw at 80 araw na nanatili lamang sa ospital.
“It was very hard to find out when they first told me, and that they had to remove my legs and my arms,” mangiyak-ngiyak na sambit ni Marie sa New York Post.
Hinala ng mga doktor, nadilaan ng kanyang mga aso at nagkaroon ng impeksyon ang gasgas sa braso ni Marie mula sa bacteria na “capnocytophaga”.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, ang capnocytophaga ay bacteria na naninirahan sa mga bibig ng aso at pusa.
“It’s fairly common in the aural flora in the mouth of a dog. It can be transmitted through a bite, or sometimes just contact with saliva,” ani infectious disease expert Dr. Margaret Kobe.
“It has that ability to induce your immune system to do some pretty horrible things,” dagdag ni Kobe, ngunit paglilinaw niya, madalang naman umano ang ganitong reaksyon.
Sa kabila ng lahat, hindi raw sinisisi ng mag-asawang Trainer ang kanilang mga alaga.
“We still love our animals,” ani Matthew, asawa ni Marie.