Masuwerte mang nakaligtas dahil sa dinanas na hirap mula sa pag-atake ng mababangis na aso, nakakuha naman ng COVID-19 ang isang babae mula West Florida, US.
Sa report ng NBC News, nasa bakuran ng kanyang bahay noong Pebrero 7 si Debbie Beaulieu nang biglang dumagsa ang ilang mababangis na aso na agad siyang inatake maging ang kanyang mga alaga.
Sa tindi ng pagsugod, nagtamo ng pinsala sa ulo ang ginang matapos lamunin ng mga naturang hayop.
Dito ay muntik na umano siyang bawian ng buhay habang nasa operating room ng ospital at lumalaban mula sa posibleng kamatayan.
Kwento ng manugang nitong si Dinis, kahit siya ay hindi makapaniwalang nakaligtas ang kanyang biyenan.
Sa operasyon ay pinaliit na raw kasi ang mga binti nito para muling makonekta ang ilan sa kanyang mga ugat.
Ngunit sa kalagitnaan ng pagpapagaling sa rehabilitaion clinic, hindi inaasahang mahawa ito ng COVID-19.
Saad ni Dinis, hindi umano tumigil sa pakikipaglaban ang biyenan hanggang gumaling sa nakamamatay na sakit.
Matapos ang tatlong buwan ay nakarekober ito at masayang umuwi sa kanilang tahanan.
Sa kabila ng malaking bill na nakaabang sa kanya, ang pag-alis daw sa naturang ospital ang pinakamasayang pangyayari sa kanyang buhay.