Sinintensyahan ng isang taong pagkakakulong ang isang babae matapos magsinungaling sa resume upang matanggap sa trabaho sa opisina ng gobyerno sa Australia na may sahod na $185,000 (higit P9 milyon) kada taon.
Hinatulan si Veronica Hilda Theriault, 45, noong Martes sa salang “deception, dishonestly dealing with documents” at “abuse of public office,” ayon sa ABC News.
Kaugnay ito ng paglalahad ng pekeng reference, inimbentong education at work background sa kanyang aplikasyon noong 2017 bilang chief information officer sa Department of Premier and Cabinet (DBC).
Nagtrabaho si Theriault nang higit isang buwan at kumita na ng $22,500 (higit P1 milyon) bago tuluyang bumaba ang kanyang kalusugang mental at madiskubre ang panloloko.
Bukod sa gawa-gawang curriculum vitae, dininig din sa korte ang pagpapanggap niya bilang isa sa mga references na tinawagan ng recruiter.
“She gave glowing feedback at your performance, but in fact you were impersonating Ms. Best. The real Ms. Best had not given you a reference,” saad ng Hukom.
Gumamit din umano si Theriault ng litrato ng isang supermodel sa kanyang LinkedIn account.
Nang magsimula naman sa trabaho, ipinasok niya sa isang posisyon ang kanyang kapatid sa kabila ng hindi sapat na kwalipikasyon.
Napag-alaman din na wala ring katotohanan ang resume na ginamit niya sa pagpasok sa dalawang kompanya noong 2012 at 2014.
Wala pa namang inilalabas na pahayag ang Department of Premier and Cabinet hinggil sa kaso.