Babaeng nanloob ng bahay, binalak paliguan ang 2-anyos na anak ng may-ari

Arestado ang isang 22-anyos na babae matapos manloob ng bahay sa Columbus, Ohio at tangkaing paliguan ang 2-taon gulang na anak ng may-ari.

Salaysay ni Areica Hill, nagising siya sa tahol ng kanilang aso noong umaga ng Oktubre 16 at nadatnan ang kinilalang si Elizabeth Hixon na nakatungo sa bathtub kung saan naroon din ang anak.

Agad inilayo ni Hill ang suspek sa anak at saka hinawakan ng kanyang kasintahan si Hixon hanggang sa rumesponde ang pulisya.


Wala namang tinamong galos ang bata.

Kinasuhan si Hixon kaugnay ng panghihimasok, ngunit nakalaya rin matapos magpyansa sa Franklin County Municipal Court.

Sa panayam ng WCHM-TV sa ina ng suspek, iginiit nitong wala umanong masamang intensyon si Hixon.

Facebook Comments