BABAENG OFW MULA MANGALDAN, LIGTAS NA NAKAUWI MATAPOS MA-STROKE SA SAUDI ARABIA

Ligtas nang nakauwi sa Barangay Macayug, Mangaldan, Pangasinan ang isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) matapos ma-stroke habang nasa Saudi Arabia.

Naipaabot ang tulong sa pamamagitan ng koordinasyon ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan, Municipal Migrant Desk Office, at ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Repatriation Assistance Division, kung saan naihatid siya sa kanyang tahanan.

Ayon sa ulat, nakipag-ugnayan ang OWWA sa LGU Mangaldan upang ipagbigay-alam ang pangangailangang masundo sa paliparan si Ailyn Obillo, isang OFW mula Saudi Arabia, at maihatid sa kanilang bahay.

Bagamat nasa maayos na kalagayan, dumating siya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nakasakay sa wheelchair at may panghihina sa kanang bahagi ng katawan dulot ng stroke.

Nagpahayag naman ng pasasalamat ang kanyang pamilya sa agarang tulong na naibigay upang matiyak ang kanyang ligtas na pag-uwi sa kanilang bayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments