Iniimbestigahan pa rin ng Canadian airline company na Air Canada kung papaanong naiwan sa loob ng eroplano ang isang babaeng pasahero na nakatulog sa kalagitnaan ng biyahe.
Ibinahagi ang ‘mala-bangungot’ daw na karanasan ni Tiffani Adams ng kaniyang kaibigan sa Facebook page ng Air Canada, na umani ng magkahalong reaksyon at hinuna ng mga netizen sa nangyari.
Ayon sa post, nanggaling si Adams sa Quebec City at palipad na pauwi sa Toronto nang makatulog 45 minuto na lang bago mag-landing ang eroplano.
Tila masamang panaginip daw nang magising siyang naka-strap pa rin sa kaniyang upuan at walang makita dahil ‘pitch black’ sa loob ng eroplano.
Agad siyang nag-text sa kaibigan para ipaalam ang nangyari at nag-Face Time ngunit nawalan din ng baterya ang kaniyang cellphone.
Habang kinokontrol aniya ang panic attack, pumasok si Adams sa cockpit ng eroplano para maghanap ng kahit anong pupuwedeng magamit.
Nang makahanap ng flashlight, binuksan niya ito at dinirekta sa bintana sa pagbabakasakaling may makapansin sa kanya.
Saka niya naisipang gamitin ang flashlight para mahanap ang main door ng eroplano, at nang mabuksan, tumambad sa kanya ang taas na nasa 50 talampakan mula sa sahig.
Kaya naupo na lang daw siya nang nakalawit ang mga binti sa pintuan at patuloy pa rin sa pagpapailaw ng flashlight hanggang may isang luggage cart driver na nakapansin sa kanya at tumulong.
“He is in shock, asking how the heck they left me on the plane,” sabi ni Adams. “I’m wondering the same.”
Ayon kay Adams, apektado ang kaniyang pagtulog at tila na-trauma siya sa pangyayari.
Kinumpirma naman ng Air Canada ang insidente at humingi na ng paumanhin sa pasahero.