Babaeng umamin na may karelasyong iba, tinaga ng mister

4258
Courtesy Negros Occidental Police Provincial Office

MURCIA, NEGROS OCCIDENTAL – Patay sa pananaga ang isang misis na umaming may karelasyon nang iba. Ang suspek, mismong asawa niya.

Kinilala ng Salvador Benedicto police ang biktima na si Alona Hebong, 30-anyos.


Naganap ang malagim na krimen sa loob ng kanilang bahay sa Sitio Kinabong 3, Barangay Igmaya-an, sa naturang lalawigan noong Pebrero 15.

Batay sa paunang imbestigasyon, nagkaroon daw ng matinding sagutan ang biktima at mister na si Rengie, 33-anyos dahil sa naging rebelasyon ng una.

Sinabi rin umano ng babae sa suspek na hindi siya ang tatay ng bunsong anak.

Nagdilim raw ang paningin ng salarin sa mga isinawalat ng maybahay dahilan para tagain niya ito ng anim na beses gamit ang isang itak.

Agad sumuko sa pulisya si Rengie at umamin sa nagawang krimen.

Mariin naman itinanggi ng kaanak ni Alona ang alegasyon ng asawa nito.

Sa panayam ng DYHB-RMN Bacolod sa kapatid ng babaeng napaslang, sinabi niyang palaging nagsusumbong ang biktima na sinasaktan ng kabiyak tuwing nagseselos at naglalasing ito.

 

Sinampahan ng kasong murder ang suspek na nakakulong ngayon sa Salvador Benito Police Station.

Facebook Comments