Manila, Philippines – Nagbabala ang Palasyo ng Malacañang sa Communist Party of the Philippines New People’s Army National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na ito na ang huling pagkakataon para ipakita ang kanilang sinseridad sa pakikipagkasundo sa pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, maraming taon na ang nakalipas at parang hindi na natapos ang pakikipagusap ng gobyerno sa CPP-NPA-NDF para sa kapayapaan at ang muling pagbubukas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng pintuan para sa peace talks ay ang kanilang huling pagkakataon na magbalikloob sa gobyerno.
Sinabi ni Roque, ang 60 araw na ibinigay ni Pangulong Duterte ay para resolbahin ang ugat ng rebelyon na tunay na dahilan ng pag-aaklas ng mga ito.
Sa ngayon aniya ay kailangang mapagkasunduan muna ang mga detalye ng peace talks at doon lamang magsisimula ang 60 araw na ibinigay ng Pangulo.