Manila, Philippines – Kapwa nagbabala ang liderato ng mayorya at minorya sa Senado laban sa pagmamadali sa proseso ng pag-amyenda sa konstitusyon na siyang daan para mapalitan ang porma ng gobyerno patungong federalism.
Giit nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Minority Leader Franklin Drilon, hindi dapat maapektuhan ang 2019 senatorial at local elections dahil sa pagmamadali na maisagawa ang charter change o cha-cha.
Ayon kay Zubiri, pwedeng isakatuparan ang cha-cha sa nalalabing bahagi ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte para ang plebesito ay maaring idaos ng mas maaga o kasabay ng 2022 presidential elections.
Katwiran naman Drilon, ang pagbabago sa konstitusyon ay hindi katulad ng pagpapasa ng ordinaryong panukalang batas dahil mas nangangailangan ito ng mas malalim na pag-aaral at debate.
Diin ni Drilon, matindi ang magiging epekto sa mamamayan ngayon at sa susunod na henerasyon ng anumang pagbabago na ilalapat sa ating saligang-batas kaya dapat maging maingat.
Maging si Senator Francis Chiz Escduero ay nagpahayag na anumang bagay na minamadali ay posibleng mauwi sa pagkakamali.
Hirit pa ni Escudero, dapat may basehan ang mga pagbabago na gagawin sa bawat probisyon sa loob ng konstitusyon.