Manila, Philippines – Nagbabala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa publiko laban sa mga bogus na traffic enforcers na nanghuhuli ng mga motorista para makapangikil.
Ito ay matapos kumpiskahin ng isang nagpanggap na traffic enforcer ang lisensya ng isang motorista.
Ayon kay MMDA Acting General Manager Jojo Garcia, sumadya ang nasabing motorista sa kanilang tanggapan para bawiin ang kanyang lisensya pero wala sa kanila ito dahil ang kumuha ng kanyang lisensya ay peke.
Giit pa ni Garcia, peke rin ang inisyung ticket ng nangpanggap na enforcer sa nabiktima nito at sinubukan pang manghuthot ng pera.
Payo ng MMDA sa mga motorist, maari nilang tanungin sa mga enforcer ang kanilang mission order at i-check ang kanilang uniporme kung sila ay nasa kanilang designated beat.
Kapag hindi dala ng enforcer ang kaniyang mission order, hindi ito maaring mag-isyu ng ticket sa driver.
Pero aminado ang MMDA na maari ring peke-in ang mission orders.
Pinaiimbestigahan na ang pangyayari.