Manila, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga gwardiyang nagpapanggap na miyembro ng PNP para makapanghingi ng pera ngayong Kapaskuhan.
Ito ay matapos silang makatanggap ang mga awtoridad ng mga reklamo tungkol sa ilang gwardiyang nagpapanggap na mga pulis.
Ayon kay PNP-Supervisory Office on Security and Investigation Agencies Chief Superintendent Jaime Santos, nangongolekta ng pera ang mga nasabing gwardiya sa mga negosyante, mall, bangko at mga hotel para sa kanilang Christmas party at mga papremyo sa raffle.
Aniya, posibleng makasuhan ng ilegal na paggamit ng uniporme at usurpation of authority ang mga nagpapanggap na pulis.
Giit ni Santos, ipinagbabawal ng PNP sa mga pulis ang pangongolekta ng pera ngayong Kapaskuhan.