BABALA | SEC nagbabala kontra panibagong investment scam

Manila, Philippines – Nagbabala ang Securities and Exchange Commission o SEC sa publiko laban sa mga investment scam (online investment entities) na humihikayat sa publiko na mamuhunan gamit ang social media o internet.

Una rito, nakatanggap ang komisyon ng impormasyon na may mga indibidwal o grupo ng mga tao na kumakatawan sa Building Our Success Stories Network, Inc. (“BOSS Network”) na humihikayat sa publiko sa pamamagitan ng social media na ipuhunan ang kanilang pera sa mga high earning investment products o produkto na may mataas na kita.

Ang “BOSS Network” ay nagrere-recruit ng mga miyembro na kailangan bumili ng alinman pakete na inaalok na itinuturing na paunang puhunan, bukod dyan may kasamang itong produkto na dalawang pabango, isang Gluta soap at Kojic soap, depende sa pakete na kukunin.


Natuklasan ng SEC na mayroon elemento ng recruitment ang operasyon at ang kita ng kumpanya ay nakabase sa pagsisikap ng mga tao na mag-recruit o mag-imbita ng mga prospective na miyembro, sa halip na direct selling o direktang magbenta ng produkto ng kumpanya.

Para sa impormasyon ng publiko ang Building Our Success Stories Network, Inc. (“BOSS Network”) ay rehistrado sa komisyon at pinahihintulutan lamang na makisali sa direct selling o direktang magbenta ng kalakal at produkto ng kumpanya at hindi otorisadong magsolicit ng pamumuhunan mula sa publiko.

Kaugnay nito, ang publiko ay pinapayuhan na huwag mamuhunan sa ganitong uri ng investment scheme at gawin ang mga kinakailangang pag-iingat sa mga tao o grupo na nag-aalok na ipuhunan ang inyong pera sa ganitong pamamaraan.

Dagdag pa ng SEC, kung may mag-aalok ng investment na may malaking tubo, suriin muna itong mabuti at alamin kung rehistrado o may lisensya mula sa Securities and Exchange Commission (SEC).

Kung mayroon kang anumang impormasyon tungkol sa pagpapatakbo ng entidad, mangyaring tumawag sa enforcement and investor protection department sa mga numero ng telepono 818-6047.

Facebook Comments