Manila, Philippines – Hindi babalewalain ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar ang babala ni Eastern Samar Representative Ben Evardone na ipabubuwag o tatanggalan ng pondo ang Philippine News Agency o PNA kung magkakamali ulit ito sa kanilang mga inilalabas na balita.
Matatandaan na dalawang pagkakamali ang nagawa ng PNA tulad ng pag-upload ng maling logo ng Department of Labor and Employment at ang paglalathala ng artikulo na bumabanat sa arbitration ruling kaugnay sa territorial dispute sa West Philippine Sea.
Ayon kay Andanar, iginagalang nila ang pahayag ni Evardone kaugnay sa nasabing isyu at seseryosohin nila ang opinion ng kongresista.
Matatandaan na inusisa ng mga kongresista ang pondo ng Presidential Communications Operations Office kung saan natalakay din ang mga pagkakamali ng PNA na ipinaliwanag din naman ng mga tauhan nito.