Manila, Philippines – Plano ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na lagyan ng Suggested Retail Price (SRP) ang mga karneng baboy at manok.
Nabatid kasi na biglang tumaas ang presyo ng manok at baboy kahit pa nananatili ang farm gate prices ng mga ito.
Sa ulat, nasa 88 pesos hanggang 95 pesos ang farm gate price ng buhay na manok at inaasahang nasa 128 hanggang 140 pesos lamang ang market price nito pero pumapalo ito sa halagang 160 pesos kada kilo sa merkado.
Ang buhay na baboy naman ay may farm gate price na 125 hanggang 130 kada kilo kaya at dapat itong ibenta sa halagang 200 pesos.
Subalit umaabot ang halaga nito sa 230 hanggang 250 pesos sa mga palengke.
Hinala ng DTI at DA, ginagamit na rason ng ilang grupo ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo para magawa din nilang magtaaas ng presyo ng kanilang mga produkto.