*Cauayan City, Isabela*- Ipinag utos ng Lokal na Pamahalaan ng San Mateo ang hindi pagpapapasok ng baboy sa bayan para maiwasan ang posibleng pagkakasakit ng mga alagang baboy.
Ayon kay Municipal Mayor Gregorio Pua, binigyang-diin nito na kahit na mayroong kaukulang dokumento ang magbabalak magpasok ng mga baboy ay hindi pa rin papayagan para matiyak ang kaligtasan ng publiko dahil na rin sa nakapartial lockdown ang kanilang bayan.
Sinabi pa ng alkalde, pinapayagan lamang ang paglabas ng mga baboy mula sa kanilang bayan subalit paiigtingin pa rin ang pagbabantay sa mga ito.
Sa kabila nito, dalawang (2) baboy ang isinailalim sa pagbaon dahil nakitaan ng ilang sintomas gaya ng pamumula ng tainga at iba pa habang limang (5) baboy naman ang kanila ring kinumpiska mula sa labas ng bayan na agad ding ibinaon bilang bahagi ng precautionary measure.
Patuloy naman aniya ang mahigpit na pagbabantay ng mga awtoridad sa mga inilatag na checkpoint kontra sa African Swine Fever.