Umapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) na tulungan sila ng Kamara na madagdagan ang pondo partikular ang budget para sa pagtatatag ng mga consular offices at Temporary Offsite Passport Services (TOPS) sa bansa.
Sa pagdinig pa rin ng 2022 national budget sa House Committee on Appropriations, inamin ni DFA Usec. Brigido Dulay na numero unong dahilan ng pagkakaroon ng malaking backlog sa pagkuha at renewal ng pasaporte ay dahil napilitan silang magsara at limitahan ang kapasidad sa kanilang mga consular offices at offsite services.
Sa tantsa ng DFA, sinabi ni Dulay na nasa 3 hanggang 4 na milyon ang backlog sa passport applications.
Dahil sa mga restrictions dulot ng pandemya, aabot lamang sa 1.7 million ang kanilang na-i-proseso noong 2020 kumpara sa 4.8 million passport applications noong 2019.
Aabot lamang din aniya sa ₱53 million ang pondo para sa pagtatayo ng mga temporary offsite passport services, hindi pa kasama rito ang bayad sa renta.
Kaya naman humihiling ang DFA sa Kongreso na tulungan silang madagdagan pa ang pondo ng ahensya upang maiproseso na sa lalong madaling panahon ang milyon-milyong passport applications.
Sinegundahan ni Marino Partylist Rep. Macnell Lusotan ang hirit na ito ng DFA lalo’t malaking tulong aniya ito sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at seafarers na naghihintay na makaalis ng bansa.