Backlog samples para sa COVID-19 testing sa Pilipinas, nasa higit 12,000 pa!

Mahigit 12,000 pang samples para sa COVID-19 testing sa buong bansa ang ikinokonsiderang backlogs.

Paliwanag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na-delay ang pagproseso sa mga sample dahil sa iba’t ibang kadahilanan gaya ng “overwhelming” sa pagdating ng mga specimen bunsod naman ng nirebisang protocols para sa expanded COVID-19 testing.

Maliban dito, ilan sa mga laboratoryo ang kabubukas pa lamang at nabigla sa pagdagsa ng mga sample.


Para matapos ang backlogs, sinabi ni Vergeire na nagtakda na ang mga laboratoryo ng bilang ng mga sample na tatanggapin nila kada araw.

Nagpatupad na rin ang DOH ng ‘zoning’ para madaling mai-refer ang ibang samples sa mga kalapit na laboratoryo.

Kahapon, umabot na sa 83 ang accredited laboratories sa Pilipinas – 62 rito ay polymerase Chain Reaction (PRC) facilities habang 21 ang GeneXpert laboratories.

Nasa 854,000 indibidwal na ang naisalang sa COVID-19 testing sa buong bansa.

Facebook Comments