Backrider, Patay sa Salpukan ng Motorsiklo at Sasakyan!

*Cauayan City, Isabela- *Patay ang isang backrider habang isa sugatan matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa kasalubong na sasakyan sa pambansang lansangan ng Brgy. Alinam, Cauayan City, Isabela.

Kinilala ang nasawing backrider na si Eugene Pelagio, 34 anyos, may asawa, habang sugatan ang driver ng motorsiklo na si Herson Atchuela, binata, kapwa manggagawa at residente ng brgy. Alinam, Cauayan City, Isabela.

Nakilala naman ang suspek at driver ng Mitsubishi FUSO Forward na si Armando Gabayan, 67 anyos, may-asawa at residente naman ng Brgy. Rizal, Santiago City, Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, magkasalungat na binabaybay ng mga biktima at suspek ang naturang lansangan nang biglang umagaw sa linya ng sasakyan ang mga biktima na nagresulta sa matinding salpukan.

Parehong nagtamo ng pinsala sa katawan sina Atchuela at Pelagio na kapwa isinugod sa pinakamalapit na pagamutan subalit idineklarang dead on arrival si Pelagio.

Nasa kustodiya na ng Cauayan City Police Station ang mga nasangkot na behikulo maging ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Facebook Comments