Naghahanda na ang Redemptorist Church sa Baclaran para sa posibleng pagtaas ng seating capacity nito sa 30 porsyento.
Ang paghahanda ay kasunod ng pahayag ng Malakanyang na pinag-aaralan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagdadagdag sa seating capacity sa loob ng mga simbahan.
Ayon kay Fr. Victorino Cueto, Rector ng simbahan, posibleng tumaas ng 700 hanggang 800 tao ang maaaring makapasok sa simbahan kapag itinaas na ang seating capacity.
Posibleng madagdagan pa ang nasabing seating capacity kapag nailatag na ng husto ang mga patakaran sa loob ng simbahan.
Sa ngayon aniya ay 500 tao pa rin ang puwedeng papasukin sa simbahan kaya naman sa gate pa lang ay binibilang na mga gwardiya ang mga deboto.
Kasama naman sa mga paghahanda na ginagawa ng simbahan ay patakaran sa paghuhugas ng kamay, pagtatalaga ng mga dagdag na volunteers para gabayan ang pagpasok at pag-upo ng mga tao, gayundin ang magiging daloy ng mga maglalakad tuwing misa at pagkuha ng Komunyon.
Inaasahan naman na ngayong Linggo ay maipatutupad nila ito kapag naisaayos na ang mga paghahanda.