San Jose California – Sinabi ng isang reptile breeder na marahil hindi alam ng mga kumuha ng kanyang bag na puro ahas ang laman nito.
Ayon kay Brian Gundy, nag-aalaga at nagbebenta ng mga reptiles, naimbitahan siyang magsalita at magturo tungkol sa mga hayop sa Martin Luther King Library noong Sabado sa San Jose.
Iniwan niya umano ang kanyang sasakyan sa isang garahe bandang alas-4:30 p.m. at nang kanyang balikan ang bag na naglalaman ng tatlong pythons at isang bayawak, wala na ito roon.
Sinubukan raw niyang habulin ang mga taong naglalakad sa lugar para ipaalam kung ano ang laman ng kanyang naturang bag.
Sabi ni Gundy, “It’s very upsetting for me because — even though there is quite a bit of money involved in this loss — my biggest concern is the safety of these animals.”
Pinag-aalala lang raw niya ang kaligtasan ng mga hayop.
Samantala, tinatayang nasa 5,000 dolyar ang halaga ng mga nakuhang hayop at handa umano siyang magsampa ng kaso sakaling makatulong ang surveillance camera ng lugar para matugis ang mga magnanakaw.