Manila, Philippines – Umapela si Bayan Muna Rep. Carlos Zarate na depensahan muna ng gobyerno ang soberenya ng bansa laban sa China at Estados Unidos.
Ang panawagan ay kasunod na rin ng pagtutol sa suhestyon na palitan ang pangalan ng Pilipinas sa Maharlika.
Giit ng mambabatas, maituturing na ‘superficial’ ang pagpapalit sa pangalan ng Pilipinas gayong hinahayaan ang China na tapakan ang soberenya ng bansa lalo na sa isyu ng West Philippine Sea at ang palaging panghihimasok ng US sa pamamagitan ng mga kasunduan.
Mas mahalaga din aniya na unahing ipagtanggol ang kalayaan ng bansa tulad ng ginawa ng ating mga ninuno sa halip na palitan ang pangalan ng Pilipinas para lamang masabing MAKABAYAN ang pamahalaan.
Paglilinaw ni Zarate, hindi natin kailangang magdeklara ng gyera sa China at US para ipaglaban ang soberenya kundi manindigan sa karapatan sa ating mga teritoryo at huwag magpakontrol sa mga nasabing bansa.