Magsisimula na ngayong araw na ito ang ika-apat na taong pagkilala sa kadakilaan ng mga kasambahay na nakasama mula pitong taon o higit pa sa bansa.
Tinawag na “Kasambahay, Kasambuhay”, itinataguyod ng JCI Senate Philippines ang programang ito katuwang ng Palawan Pawnshop upang bigyang pagkilala at pagpupugay bilang pasasalamat sa matapat at walang pag-iimbot na paglilingkod ang mga kasambahay.
Sa buong bansa, pipili ang JCI Philippines ng sampung mananalo mula sa mga entry galing mismo sa mga kasambahay na gustong sumali o mula sa kani-kanilang mga boss o amo.
Ang sasaling kasambahay ay dapat na pitong tuloy-tuloy na taon o higit pa na naglilingkod sa kanyang amo bilang kasambahay, may pahintulot mula sa kanilang amo at may edad na hindi lalagpas sa pitumpo at limang taong gulang, nagtratrabaho at kayang tanggapin ng personal ang gantimpala rito sa ka-Maynilaan.
Ilalahad ng kalahok ang kanyang kasaysayan bilang kasambahay at ipapadala sa JCI Senate Philippines kalakip ng entry form na makukuha sa mga Palawan Pawnshop outlets.
Mula sa mga entry na ito, pipili ang JCI panel ng sampung mananalo at sa darating na Disyembre ay gagawaran ng pagkilala at premyo na ₱75,000.
Kaya mga ate mga kuya, pagkakataon na ninyong maipakita sa ating mga kasambahay ang inyong higit na pasasalamat sa ating mga kasambahay sa pamamagitan ng paglahok sa kanila dito sa “Kasambahay, Kasambuhay.”
Deadline ng submission of entry ay sa August 31, 2019.