Bagong AFP Chief, pormal nang umupo sa pwesto; paglaban sa terorismo prayoridad

Umupo na bilang bagong Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines si Lt. Gen. Gilbert Gapay.

Sa isinagawang Change of Command Ceremony kanina, isinalin na ni Gen. Felimon Santos Jr. ang kapangyarihan kay Gapay na dating Commanding General ng Philippine Army.

New normal ang naging takbo ng seremonya bilang pag-iingat dahil sa COVID-19 pandemic kaya sa Zoom meeting lang ito sinaksihan ng mga media.


Sa talumpati, sinabi ni Gapay na magiging prayoridad niya bilang bagong AFP Chief of Staff ang paglaban sa terorismo.

Aniya, ipapatupad niya ng mabuti ang Anti-Terrorism Act of 2020 sa harap nang nararanasang pandemya.

Bukod dito, sinabi ni Gapay na kasama rin sa kanyang magiging prayoridad ang pagbabantay ng seguridad sa teritoryo ng bansa, pag-responde sa kalamidad at iba pa.

Wala si Pangulong Rodrigo Duterte sa seremonya kanina kaya si Defense Sec. Delfin Lorenzana ang naging panauhing pandangal.

Si Gen. Gapay ang class valedictorian ng Philippine Military Academy (PMA) “Sinagtala” Class of 1986.

Bago napili sa bagong pwesto marami syang naging posisyon sa AFP, nagkaroon sya ng malawak na karanasan sa field operations, intelligence, civil military operations, education and training at resource management.

Sa February 2021 matatapos ang serbisyo ni Lt. Gen. Gapay sa AFP.

Facebook Comments