Patuloy ang pagbaba ng aktibong kaso at namamatay sa COVID-19 sa Quezon City dahil sa walang patid na vaccination program sa lungsod.
Ayon sa QC Local Government Unit (LGU), naitala noong Huwebes, March 31, ang bagong all-time low na 151 aktibong kaso ng COVID-19, walang bagong kaso ng nasawi, at nasa 16 na lamang ang average na kaso ng nahahawa sa virus kada araw.
Sa kabuuang 142 na mga barangay, mayroon nang 53 barangay o 37% sa mga ito ang wala ng aktibong kaso ng COVID-19 sa nakalipas na dalawang linggo.
Paliwanag ng lokal na pamahalaan na bunga ito ng maraming bilang ng mga bakunado kaya bumababa na rin ang mga nahahawa sa sakit.
Patuloy namang hinihikayat ng QC LGU ang mga residente nito na sumunod pa rin sa minimum health protocols at huwag maging kampante kahit na may pagbaba sa COVID-19 active cases.