Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Captain Rigor Pamittan, chief ng Division Public Affairs Office (DPAO) ng 5ID, kasalukuyan aniya ngayon ang organizational skills training ng mga karagdagang sundalo ng 5ID na mula pa sa ibang yunit ng Philippine Army sa Visayas at Mindanao.
Ang mga sundalo mula sa ibang yunit ay idadagdag sa 102nd Infantry Battalion na bagong tatag na yunit sa ilalim ng 5ID na tutulong para sa mas mabilis na pagbuwag sa mga nalalabing kasapi ng teroristang NPA sa buong nasasakupan ng 5ID.
Ayon kay Cpt. Pamittan, kakaunti na lamang ang bilang ng mga miyembro ng NPA sa Isabela at malapit na aniya itong mabuwag sa tulong na rin ng mga dating rebelde at ng mga iba’t-ibang ahensya ng gobyerno.
Kamakailan lamang ay muling napalaban ang militar sa mga miyembro ng Komiteng Probinsya ng Isabela, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KPI-KRCV) sa bayan ng Maconacon, Isabela na kung saan ay ito rin yung grupong dating nakasagupa ng mga kasundaluhan sa probinsya.