Bagong batas para sa vaccine indemnification, kailangan na ayon sa Vaccine Czar

Nakiusap si Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. sa mga mambabatas na isama sa ikatlong Bayanihan Law o Bayanihan 3 ang “indemnification clause” para matiyak na ang mga indibidwal ay mababayaran sakaling makaranas ng vaccine-related injuries.

Bukod dito, hiniling din ni Galvez na magkaroon ng probisyon na layong i-exempt ang procurement ng mga bakuna mula sa tariff at custom duties.

Ayon kay Galvez, sa ilalim ng COVAX facility ng World Health Organization (WHO), ang Pilipinas ay kailangang magkaroon ng indemnification law.


“Sa COVAX natin, lahat ng bansa we signed for the indemnification clause na walang sasagutin ang ating mga manufacturer unless it is willful neglect at mayroon silang pagkukulang. Kaya ang hinihiling namin is magkaroon ng legislation for the indemnification,” ani Galvez.

Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo, na may mga bansa tulad ng Estados Unidos at United Kingdom ang mayroong vaccine indemnification laws.

“Isa po siyang policy ng maraming bansa sa buong mundo, yun nga po baka may panahon na rin po sana na pag-isipan din natin,” sabi ni Domingo.

Ang Department of Health (DOH) ay nagsabing nagpasa na ang Executive Branch sa Kamara ng propose measure hinggil dito pero ang ibang mga policy recommendations ay ihahabol nila.

Facebook Comments