Bagong Batas sa mga Field-Trips, Aprub sa Cauayan

Cauayan City, Isabela – Suportado ngayon ng Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City ang bagong ipinalabas na kautusan ng DepEd tungkol sa mga field trips at off-campus activities sa mga paaralan.

Ayon kay Schools Division Superintendent Gilbert Narag Tong, PhD, pabor umano ang kanilang opisina sa DepEd Order 66 kung saan sa ilalim ng nasabing kautusan nakasaad na non-graded o walang katumbas na grado umano ang mga off-campus activities tulad ng field trips mapa extra o co-curricular man ang mga ito.

Ngunit paglilinaw ng Superintendent na iba ito sa tinatawag na Work Immersion Activities na graded at requirements para makatapos sa Senior High School.


Batay din umano sa DO 66, hindi rin maaaring pilitin ang mga magulang ng mga mag aaaral na magbayad sa field trips bagkus ay maaaring gamitin ang DepEd Funds o ang Schools Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na budget, Special Education Fund (SEF), at maaari ding mula sa mga sponsors.

Ayon pa sa Superintendent, pinaigting din ng nasabing kautusan ang mga safety and security measures pagdating sa gagamiting sasakyan.

Mula sa dating rehistro ng sasakyan, insurance coverage, professional’s driver’s license at road worthiness lamang na hinahanap, kinakailangan na ring magsumite ng pinakahuling medical records ng driver at tanging ang naisumiteng pangalan lamang ng driver ang maaaring magmaneho sa itinakdang aktibidad.

Kanya ring ipinaalala na nananatiling boluntaryo ang pagsali sa mga aktibidad na tulad nito, walang penalty o gradong mababawas at hindi rin maaaring pagalitan ang isang mag-aaral kung hindi ito makakasali.

Hiniling naman ni Schools Division Superintendent Gilbert Narag Tong, PhD, ang suporta, gabay at pang-unawa ng mga magulang ukol sa mga off-campus activities at field trips lalung-lalo na kung ang sasalihang aktibidad ay tutugon naman sa paghubog sa husay at interes ng isang bata.

Facebook Comments