Bagong bersyon ng panukalang SIM Registration Bill, inendorso na rin sa plenaryo ng Senado

Inendorso na rin sa plenaryo ng Senado ang Mandatory SIM Registration Bill matapos ang isang committee hearing.

Sinabi ni Senator Grace Poe na chairman ng Committee on Public Services at nag-sponsor sa Senate Bill 1310 na ang bagong bersyon para sa registration ng SIM ay layong maprotektahan ang publiko mula sa mga krimen at text scam gayundin ang matiyak ang privacy ng mga subscriber.

Sa bagong SIM Registration Bill ay inalis ang salitang card upang pati ang mga SIM na wala sa card form tulad ng e-SIM o electronic SIM ay masakop sa panukala.


Ang mga ibebentang SIM ay dapat deactivated at magagamit lamang sa oras na mairehistro online kung saan ilalagay rito ang tunay na pangalan, kaarawan, tirahan at magbibigay ng valid identification card o ID.

Samantala, ang mga SIM na ginagamit na ay mayroon namang 180 araw para ma-i-register dahil kung hindi ay mapipilitan ang telco na putulin o i-deactivate ito maliban kung may valid na hiling para sa extension bago mairehistro.

Ipagbabawal naman ang mga telecommunication company na ibahagi o ilabas ang mga personal na impormasyon ng kanilang mga subscriber maliban kung may kautusan ng korte o consent ng subscriber.

Sa oras na lumabag ang isang telco ay pagmumultahin ito ng P300,000 hanggang isang milyong piso sa bawat paglabag.

Samantala, ang mga gagamit ng pekeng identity sa pag-register ng SIM para sa panloloko sa text messages at pagbebenta ng SIM na nakaw o dinoktor ang registration ay makukulong ng anim na taon.

Sakop ng mandatory SIM Registration Bill ang mga dayuhan na nagtatrabaho o turista sa bansa.

Facebook Comments