Mabubuo na sa buwan ng Mayo ang una sa 2 bagong biling frigates ng Philippine Navy mula sa Hyundai Heavy Industries sa South Korea.
Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad, pupunta sila ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa South Korea sa May 17-19 para sa launching ceremony ng barko na pinangalanang “BRP Jose Rizal”.
Ito aniya ang unang pagkakataon na palulutangin ang barko matapos na mabuo sa dry-dock.
Pagkatapos naman aniya nito ang keel-laying ceremony o ang pagsisimula ng konstruksyon ng pangalawang barko na papangalanan namang “BRP Antonio Luna”.
Dagdag pa ng opisyal may 6 na buwang pagitan sa delivery ng bawat barko.
Ang dalawang barko ay bahagi ng 15.7 bilyong pisong frigate acquisition project ng Philippine Navy.
Matatandaang naging kontrobersyal ang proyekto nang magkaroon ng pagtatalo sa Combat Management System na ilalagay sa mga nasabing barko noong nakaraang taon.