
Posibleng magdesisyon na ngayong araw ang mayorya ng Senado sa itatalagang bagong Chairman ng Senate Blue Ribbon Committee kapalit ng nagbitiw na si Senate President pro-tempore Ping Lacson.
Nauna nang pinangalanan ni Senate President Tito Sotto III sina Senators JV Ejercito, Raffy Tulfo, Kiko Pangilinan, Pia Cayetano at Risa Hontiveros sa mga pinagpipilian na maging bagong Blue Ribbon Committee Chairman.
Ayon kay Sotto, posibleng mamaya ay makapagdesisyon na ang majority bloc kung sino sa mga nabanggit na senador ang ihahalal na bagong Chairman ng Blue Ribbon.
Target naman ng mayorya na isapinal ang napiling bagong Chairperson ng Blue Ribbon Committee bukas sa kanilang caucus.
Sinabi pa ni Sotto na hindi naman requirement na kailangang abogado ang maging Chairman ng Blue Ribbon.
Sa unang regular session ng 20th Congress ay dalawang mambabatas na ang umupong Chairman ng Blue Ribbon Committee, ang nagbitiw na si Lacson at ang pinalitan na si Senator Rodante Marcoleta.









