Pinaghahanda na ni Senator Risa Hontiveros ang Department of National Defense (DND) ng estratehiya laban sa pwedeng gawin ng China alinsunod sa bagong Coast Guard Law nito.
Ayon kay Hontiveros, base sa Chinese Coast Guard Law na ipinasa nito lang January 22 ay pwedeng nilang palubugin ang fishing vessel natin o iwan ang mangingisda natin sa dagat na hindi lang nila sasagasaan kundi baka posibleng barilin pa.
Hindi nakakatuwa para kay Hontiveros na sa gitna ng pandemya ay nagpasa ng ganitong batas ang China habang nilalako ang kanilang mga bakuna bilang ‘global public good’ umano.
Dismayado si Hontiveros na sa halip tumulong ang China na maibsan ang tension ay lalo lang nitong ibinabasura ang natitirang kapayapaan sa West Philippine Sea.
Bunsod nito ay lalo ngayong lumalakas ang hinala ni Hontiveros na may kapalit ang bakunang bibilhin o ibibigay ng China.
Malinaw para kay Hontiveros na hindi natin maituturing na kaibigan ang China kaya kailangan nating tiyakin na maisulong ang sariling interes ng ating bansa.