CAUAYAN CITY – Opisyal nang pinasinayaan ng Lokal na Pamahalaan ng Luna, Isabela ang bagong tayong evacuation center na matatagpuan sa Barangay Mambabanga.
Ang inagurasyon ay dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sangay ng gobyerno, sa pangunguna ni Mayor Adrial Leandro P. Tio at iba pang opisyal ng bayan.
Ang bagong evacuation center ay may kabuuang lawak na 1,045 square meters at idinisenyo upang magsilbing ligtas na masisilungan ng 2,759 residente ng Barangay Mambabanga tuwing panahon ng kalamidad.
Pinuri ni Regional Director Agnes De Leon ang inisyatibo ng LGU Luna at hinikayat ang patuloy na pagpapalakas ng disaster preparedness, na mahalagang bahagi ng bagong Seal of Good Local Governance (SGLG) criteria.
Ang proyekto ay sumasalamin sa pangako ng pamahalaang lokal na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga residente, lalo na sa harap ng mga hamon ng pagbabago ng klima at mga sakuna.