Bagong frigate ng Navy na BRP Antonio Luna, isinailalim na sa huling sea acceptance trials

Lumayag mula sa Hyundai Shipyard sa Ulsan, South Korea kahapon ang pangalawang bagong frigate ng Philippine Navy ang “BRP Antonio Luna” (FF-151) para sa huling sea acceptance trials bago dalhin sa Pilipinas.

Sakay ng barko ang Technical Inspection and Acceptance Committee (TIAC) ng AFP na pinamumunuan ni Rear Admiral Alberto B. Carlos, AFP Deputy Chief of Staff for Logistics, J4.

Sinabi ni Carlos, nakapasa na sa 90 porsyento ng sea acceptance trials ang barko, at pagkatapos ng isang linggong pagsubok ay inaasahang aabot sa halos 100 porsyento ang performance rating nito.


Ang pagsubok sa linggong ito ay nakatutok sa mga weapons at sensor system ng barko na magpapatunay ng full combat capability ng barko.

Pagkatapos ng pagsubok ay dadaong uli ang barko para sa final-outfitting bago i-deliver sa buwan ng Pebrero sa susunod na taon.

Ang BRP Antonio Luna ang sister ship ng BRP Jose Rizal (FF-150) na binili ng brand new ng Pilipinas mula sa South Korea sa ilalim ng 16 na bilyong frigate acquisition project ng Philippine Navy.

Facebook Comments