Magpapatupad ang Manila International Airport Authority (MIAA) ng bagong I.D. system sa Ninoy Aquino International Airport.
Ayon kay MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co, simula sa susunod na taon ay gagamit na ang mga concessionaire employee ng NAIA ng RFID o I.D. na mayroong approximity sensor.
Layon nito na maiwasan ang pamemeke ng mga printed I.D. o access pass na nagagamit ng mga sindikato sa human trafficking.
Bukod dito, pinaigting na rin ng MIAA ang screening at profiling sa mga pumapasok sa paliparan sa pamamagitan ng paglalagay ng hiwalay ng access lane para sa mga empleyado at mga pasahero.
Nagpapatuloy rin ang intelligence at case build-up para mahanap ang mga nasa likod ng human trafficking sa mga OFW.
Bago ito, ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros ang modus ng isang Chinese syndicate kung saan inaalok ng trabaho ang mga Pilipino bilang call center agents sa Thailand pero dinadala sila sa Myanmar para gawing cyptocurrency scammer.