Manila, Philippines – Sinampahan ng reklamong paglabag sa Omnibus Election Code sa Commission on Elections (COMELEC) si dating Pangulong Noynoy Aquino kaugnay ng kontrobersyal na Dengvaxia vaccine.
Mismong ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) ang naghain ng reklamo kung saan kasama din sa mga kinasuhan sina dating Budget Secretary Butch Abad, dating Health Secretary Janette Garin at labing anim (16) na iba pang opisyal ng Department of Health o DOH.
Nakasaad sa affidavit ng VACC na inilabas ng nakaraang administrasyon ang P3.5 bilyong pisong pondo ng bayan para ipambili ng bakuna bago ang 2016 national elections.
Sinasabing ginamit umano nila ang malaking pondo para sa kampanya noong nakaraang eleksyon.
Hiniling naman ng VACC na suriin ang kanilang reklamo at magsampa ng kaukulang kaso sa korte laban sa mga respondent.