Umabot sa 923 ang naitalang mga bagong kaso ng Omicron subvariants na BA.5, BA.4 at BA.2.12.1 sa Pilipinas.
Ito ay kinumpirma ng Department of Health (DOH) batay sa pinakahuling genome sequencing.
Ayon kay DOH alternate Spokesperson Undersecretary Beverly Ho, nakapagtala ang bansa ng karagdagang 890 na kaso ng Omicron subvariant na BA.5.
Aniya, ang lahat ng rehiyon maliban sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Soccksargen o Region 12 ay may mga kaso na ng BA.5.
Kung saan, 232 ay mula sa National Capital Region (NCR); 252 ay sa Western Visayas; 136 ay galing sa Calabarzon; 63 ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); 59 ay sa Cagayan Valley; 46 ay galing sa Central Luzon; 37 naman sa Mimaropa; 29 ay mula sa Ilocos Region; 13 ay galing sa Bicol Region; tig-lima ay mula sa Central Visayas at Zamboanga Peninsula; at tig-isa naman sa Eastern Visayas, Northern Mindanao, Davao Region at Caraga.
Sa naturang bilang ay 823 dito ang mga gumaling na, habang 31 ang sumasailalim pa rin sa isolation at ang natitirang 36 ay patuloy na bineberipika.
Dagdag pa ni Ho, siyam sa mga bagong kaso ay mga returning overseas Filipinos (ROFs).
Sinabi pa ni Ho, kabuuang 650 naman ang fully vaccinated na kontra COVID-19, habang 18 ay partially vaccinated at nasa 222 naman ang sinusuri pa.
Samantala, inihayag din ni Ho na nakapagtala rin ang DOH ng 18 na bagong kaso ng BA.4 subvariant kung saan 17 ang naka-recover na, habang ang natitirang tinamaan ng nasabing sakit ay nasa isolation pa rin.
Aniya, 13 ay fully vaccinated na, habang ang iba ay patuloy pa ring bineberipika.
Pito sa mga kaso ng BA.4 ay mula sa NCR; 6 ay mula sa Bicol Region; 2 mula sa CAR, at tig-1 mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley at Calabarzon.
Kinumpirma rin ni Ho na nakapagtala rin ang bansa ng 15 naman na bagong kaso ng BA.2.12.1 subvariant.
Mula aniya sa karagdagang 15 kaso ng naturang subvariant, 14 dito ang mga gumaling na, habang nasa isolation ang isang pasyente.
Sinabi pa ni Ho, 8 ay fully vaccinated na kontra COVID-19, habang 1 ay partially vaccinated at ang natitira ay patuloy na biniberipika.
Lima sa mga kaso ng BA.2.12.1 ay mula sa Metro Manila; 4 ay mula sa CAR; 3 mula sa Calabarzon at tig-isa sa Mimaropa, Ilocos Region at sa ibang lugar.
Sa ngayon, umabot na sa 1,997 ang kabuuang kaso ng BA.5 Omicron subvariant, habang umakyat na sa 71 ang kumpirmadong tinamaan ng BA.4 at pumalo na sa 154 naman ang kabuuang kaso ng BA.2.12.1 sa bansa.