Zamboanga City – Isang walong taong gulang na batang lalake ang namatay dahil umano sa Meningococcemia sa lungsod ng Zamboanga.
Ayaw naman kumpirmahin ng City Health Office ito habang hindi pa lumabas ang resulta ng sample na kinuha sa bata na ipinadala sa RITM sa Maynila.
Ayon kay Dr. Ivy Ituralde ng City Health Office, kakaiba ang pagkamatay ng batang lalaki dahil kinikitaan ito ng mga sintomas ng Meningococcemia.
Agad naman inilibing ang bata dahil baka ma-contaminate pa ang iba na malapit sa bata.
Sinabi ni Ituralde na noong Miyerkules ng madaling araw nang biglang tumaas ang lagnat ng bata, na agad naman itong dinala ng magulang sa isang pribadong ospital pero wala pa mang 24 oras ay namatay na ito.
Pinainum naman ng prophylaxis ang mga taong malapit sa bata para sa unang lunas kasama na ang mga classmate ng bata na kanyang nakasalamuha.
Pinaliwanag naman ni Ituralde na ang sintomas ng meningococcemia ay ang pagkakaroon ng lagnat, rashes, sakit ng ulo, muscle pain, nausea at kung malala na ang pasyente hindi na ito umaabot ng 24 oras.