Manila, Philippines – Nagpalabas ng bagong patakaran ang Department of Labor and Employment (DOLE) na nagtatakda ng tamang sahod para sa mga healthcare personnel.
Sa inilabas na Department Order No. 182, sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III na nais din ng gobyerno na tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mga healthcare worker sa pribadong sektor na nakakaapekto sa kanilang kalagayan at sa maayos na pagtupad ng kanilang tungkulin.
Paliwanag ng kalihim na sa naturang kautusan, tinitiyak na matatanggap ng health worker ang kanilang sahod ayon sa aktuwal na oras at araw at hindi bababa sa kasalukuyang minimum na sahod at dapat bayaran ang kanilang sahod isang beses kada linggo o dalawang beses sa loob ng isang buwan at may pagitan na hindi hihigit ng 16 araw.
Giit ni Bello, kailangan din tumanggap ang health personnel ng holiday pay, 100 porsiyento ng minimum na sahod kahit hindi sila nagtrabaho pero kung sila naman ay pinagtrabaho sa nasabing holiday, kailangan silang bayaran ng 200 porsiyento ng minimum na sahod.
Kung special day naman, dapat bayaran ng premium pay at mayroon night differential pay mula alas 10 ng gabi hanggang alas 6 ng umaga, at iba pang mga benepisyo gaya ng 13 Month pay, maternity at paternity leave at iba pa.