Manila, Philippines – Opisyal na isasalin ngayon araw kay Davao Archbishop Romulo Valles ang liderato sa maimpluwensiyang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Si Archbishop Valles, ang ika-20 pinuno ng CBCP at siya ang kahalili ni Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas ang outgoing president.
Habang si Caloocan Bishop Virgilio David ang naihalal na ikalawang pangulo at treasurer naman si Palo Archbishop John Du.
Kumpiyansa si Archbishop Villegas na magagampanan ni Archbishop Valles ang tungkulin inatang sa kanyang balikat.
Paliwanag ni Villegas hindi ang karanasan o tagal ng paghawak sa isang posisyon ang batayan sa pagiging isang opisyal ng CBCP dahil nakasentro ito sa paggabay at grasya na ipagkakaloob ng panginoon sa bawat namumuno.
Giit ni Villegas nakasalalay umano sa awa ng Diyos ang kanilang tagumpay bilang lider at ang Esprito Santo na ibinigay sa kanila nang sila ay maging Obispo ang gagabay sa kanilang paglilingkod.
Layunin ng CBCP na itinatag noong 1945 na isulong ang pagkakaisa ng mga simbahan sa buong bansa habang ipinoproklama ang ebanghelyo sa bawat mananampalatayang Katoliko.