Cauayan City – Ipinasakamay na sa PNP Cauayan ang mga bagong kagamitan at mobility assets ng SWAT Team mula sa Lokal na Pamahalaan ng Lungsod ng Cauayan.
Kabilang sa mga natanggap na kagamitan ng SWAT Team ay 16 na Basic Assault Rifle, 3 unit ng Honda CRF 150, 1 unit ng Nissan Navarra Calibre, 30 piraso ng keblar, 60 bullet vests, at 30 tactical scope.
Ayon kay Cauayan City Mayor Hon. Caesar Jaycee Dy Jr., nasa 5 Million pesos ang halaga ng pondong inilaan para sa mga kagamitang ito, at mayroon pa silang inaasahan na darating na Bulletproof Van na siyang maidadagdag sa mobility asset ng SWAT Team.
Samantala, sa naging mensahe naman ni Police Regional Office 2 Regional Director Police Brigadier General Antonio Marallag Jr., sinabi nito na asahan ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan na mas pag-iigihan pa ng kapulisan ang pagbabantay sa buong lungsod upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, maging ang pagpapatupad ng mga programa upang labanan ang kriminalidad.